Saturday, May 2, 2009

Para Kay Shi

aalis na si sheila. si sheila na tinatawag na shelia dembo ng mga tao dito. ate pa nga tawag ko sa kanya dati nung una ko siyang makita kahit ba na mas mukhang matanda ako sa napakaliit na frame ng katawan niya.

pagkatapos ng dalawang taon na walang uwian sa pinas, heto at bilang na lang ang araw niya sa egypt. matatapos na kasi kontrata niya. masaya at nakakalungkot. masaya kasi makakauwi na siya sa kanyang pamilya. malungkot kasi nabawasan na naman kami ng pinoy sa ccu.

small but terrible kung ituring siya sa ccu. kung makita niyo lang ang mga hinahawakan niyang pasyente, naku baka matulala kayo. mantakin niyo ang four times sa laki ng katawan niya na mga pasyente! dambuhala talaga. siyempre kailangan silang i-turn lalo na pag bedridden sila so pano niyo ibabaligtad ang isang tao na mas malaki pa sayo ng apat na beses? o kaya e paliguan?

naging inspirasyon ko si sheila sa ccu lalo na nung nagsisimula ako dito. nakita ko sa kanya kung pano lumaban sa mundong isa kang estranghero. bukod sa pagpapalakas ng loob, sila rin ni ate emma ang naging dahilan kung bakit kami nanatili ni mark sa ccu. masaya ang duty pag kumpleto kaming mga pinoy. kahit gano katoxic, walang problema kasi kampante kami sa isa't isa. pag natotoxic ako at natataranta na sa deteriorating status ng pasyente ko, laging andyan si sheila. o kaya naman kapag hindi ako makapag-extract ng dugo sa pasyente.

minsan, hindi ko maintindihan ang timing ng mundo. minsan nakakainis, minsan naman e sakto lang.

sa bawat tamang pagkakataon, may mga nabubuong pagkakaibigan. may nabubuong samahan na nagmamarka sa buhay mo. may mga alaala na tumatatak sa pagkatao mo.

sa bawat tamang pagkakataon, ang lahat ay natatapos. ang lahat ay natutuldukan. ang lahat ay nahihinto at nahihimlay sa isang yugto ng iyong buhay.

ngunit sa bawat tamang pagkakataon, isang bagong ikaw ang nabubuo. isang bagong ikaw na hinulma ng mga karanasan at mga samahang nagtali ng isang lubid na kailanman hindi mapipigtas.

kay sheila, isang napakatatag na buhol ang ginagawa ko ngayon para hindi mapigtas ang lubid.

2 comments:

The Nomadic Pinoy said...

I can fully relate with you. When I was still working in Jeddah, Saudi Arabia,I worked with a lot of wonderful colleagues na naging mga kaibigan ko na rin. Dahil sa magandang samahan, I felt less homesick and when the time came na nagkanya-kanya na kami, it was very sad for all of us. Thankfully, there's the internet to keep us updated of each other's lives.

Charltoninho said...

Salamat. Tama ka, thanks to the internet at may chance para maging updated sa isa't isa.