habang binabagtas ang maninilaw-nilaw na buhangin ng ehipto, tumingin ako sa langit. ang buwan, tila nagmamalaki sa kanyang laki at liwanag sa gabing medyo umiinit na.
wala masyadong tao sa daan. kung meron, mangilan-ngilan lang na kabataan na hindi ko mawari kung ano ang ginagawa sa loob ng sasakyan nila. meron ding mga aso na palaboy lalo na't ang mga aso dito e hindi inaalagaan.
isang buntong hininga ang aking pinakawalan. bukas magsisimula na naman ang aking pakikibaka sa trabaho. simula na naman ng apat na sunod-sunod na gabi ng pagiging alagad ng kalusugan.
tumingin ako ulit sa langit, ganon pa rin. walang pagbabago. tinatanong ko ang aking sarili kung sadyang nagiging apurado ako sa mga pagbabago. sa mga plano. sa mga hakbang.
hati ang aking kalooban sa mga pagninilay ko. may nagsasabi sa akin na kailangan ko nang kumilos sa mas lalong madaling panahon. umalis dito at magsimula ulit sa pilipinas patungo sa aking patutunguhan sa ibang lugar.
may nagsasabi rin sa akin na kung papano ang gagawin ko kung walang mangyari sa akin sa pilipinas? na mapapasama sa mga taong walang trabaho?
tumingin ulit ako sa langit. bumuntung hininga at umaasang may magbabago sa kanyang anyo at sa aking kapalaran
No comments:
Post a Comment