sa lunes, ang apat ay magiging tatlo ulit. ang anim ay magiging lima nalang sa napakaraming beses.
aalis na kasi si ate.
gamit ang asul na maleta na dapat gagamitin ko papuntang u.k., excited siyang nag-aayos ng mga gamit kahit may konting bahid ng pangamba sa mga bagong mararanasan. bilang panganay, isang hamon para sa kanya ang pagpapakita ng katatagan sa pagkakawalay sa pamilya.
aaminin ko, mas close ako kay ate kesa sa aking ibang kapatid. o sa aking mga magulang, pinsan o kung sino pa mang kamag-anak. at hanggang ngayon, pinipilit kong isipin na hindi ako gaanong apektado.
sa kung ano ang magiging epekto nito sa akin, hindi ko alam. kaya lubos ang aking pananalangin na sana ay makaalis na din ako sa lalong madaling panahon.
muli na naman akong mag-aayos ng mga papel ko. mag-isa. walang kadamay. pero alam ko na ito ang tamang panahon para siya ay lumipad.
muli na naman akong mag-isang tatanggap ng mga kadramahan at daing ng aking ina. pero alam ko na ito ay pwedeng palabasin sa kabilang tenga at magkibit balikat.
aalis na si ateng at isang tao na naman ang nang-iwan sa akin.
No comments:
Post a Comment