Sunday, August 17, 2008

Ang Pagpatay sa Isang Anak

sana marunong kang umunawa na hindi lahat ay dapat mong makuha ang kanilang approval sa anumang larangan ng buhay. sabagay, hindi na ako magtataka dahil ikaw mismo ay nagbibigay ng iyong saloobin kahit hindi kailangan.

sana marunong kang makaintindi na hindi lahat ng gusto mo ay tama at dapat gawin. sabagay, bulag ka sa iyong sariling kagalingan kung kaya't hindi mo nakikita ang tunay na angking kinang ng ibang tao.

sana marunong kang makinig sa nararamdaman ng ibang tao. sabagay, bingi ka sa iyong pakiramdam na parang walang karapatang magdamdam ang ibang tao.

sana marunong kang tumalima sa iyong mga pangaral. sabagay, masyado kang dominante na ang lahat ng iyong sinasabi kahit mali ay nagiging tama sa iyong mga mata.

sana marunong kang tumanggap ng iyong pagkakamali. sabagay, magulang ka nga naman. MA-GULANG!

sana marunong kang maging ina ma. masyado na akong nasasaktan. masyado ka nang maraming nasasaktan at habang ginagawa mo ito, unti-unting namamatay ang pagmamahal ko sa iyo. hindi ako katulad nina ate at ng kambal na ibinabaon na lang sa limot ang iyong mga pagkakamali. hanggat hindi mo tinatanggap ang iyong pagkukulang sa pagiging magulang, unti-unti kang mamatayan ng isang anak...

No comments: