Monday, August 11, 2008

Sapi

Nagsimula ang araw na maayos ang lahat. Umayon sa nakagawian ang gising ng bawat isa habang ang araw ay sumisilip at nagpapahiwatig ng pagnanais na magparamdam.

Umupo siya at nagsimulang humigop ng kape sa kanyang berdeng tasa na may bakas ng kalumaan. Ilang taon na nga ba? Dalawampu at dalawang taon na nga nang masilayan niya ang kanyang mukha. Tila anghel na sumasalubong ang kanyang anyo. Puno ng pagmamahal at pag-aaruga. Iyon ang kanyang inakala. Na laging ganoon ang masisilayan.

Walis tingting ang dumapo sa kanyang payat na binti. Masakit at lumatay. Minsan ay isang makapal na kahoy o kaya naman ay kahit anong matigas na bagay na puwdeng ipampalo e dumadapo iyon kahit sa anong parte ng kanyang katawan. Sinasabihan siya ng walang kuwenta, walang butas ang buto (na magpasahanggang ngayon e hindi niya maarok ang diwa nito), bugok, at perwisyo. Makakarinig din siya na sinasabihan ng tanga, na walang makikipagkaibigan sa kanya at ang hindi niya makakalimutan e ang masabihan siya na kung bakit isinilang pa siya sa mundong ito. Lahat ng mga iyon ay namutawi sa labi ng inakala niyang anghel.

Isang manikang de-susi. Yung ang tumpak na paglalarawan sa kanya. Sa mga kaibigan sa loob ng pamayanan hanggang sa mga sasabihin sa ibang tao. Lahat ay kontrolado. Nang minsan ay masabi niya ang katotohanan sa kanyang tiyahin ay tila gusto niyang putulin ang kanyang dila sa pagsasabi ng katotohanan. Nalaman niya na ang pagsisinungaling ay mabuti, na ang pagtatakip sa mali ay tama lang. Ang kanyang kasiyahan at kalungkutan ay kontrolado rin. Bawal ang maging masaya lagi. Ang madalas na paghihirap ay mainam daw. Iyon ang sabi sa kanya. Sa bubot na isip ay sadyang puno ng hiwaga ang mga ideyang sumasakop sa kanyang pagkatao.

Nahulog ang kutsara. Napitlag siya sa paglalakbay ng kanyang isip. Lumipas ang ilang taon, gimbal at patuloy ang hiwaga sa kanyang tunay na kulay. Isunubo ang isang kutsara ng kanin na hinaluan ng scrambled egg. Nag-isip muli at tinanong ang sarili, "Hanggang kailan ang ganitong kapalaran?" Isang subo muli at binilisan ang pagkain dahil kung hindi ay masasabon na naman siya dahil baka mahuli raw sila sa pagpunta sa simbahan.

Naalala niya si Edward Norton sa The Fight Club. Dalawa rin kasi ang kanyang pagkatao. Isang puti at isang nakakabulag na itim. Ganoon ang kanyang pakiwari sa taong itinuring niyang anghel dati na dapat naman talaga ay maging anghel niya. Linggo ngayon at ang ibig sabihin ay paghuhugas ng mga kasalanan. Isang araw para sa pagmumuni-muni at pagbabago para sa kabutihan. Ito ang dapat na mangyari at asahan. Ngunit gaya ng lumipas na mahigit sa isang libong Linggo, bigo siya. Bigo siya na makamtan ang ganitong kahulugan ng araw na ito sapagkat umulan na naman ng panunumbat at pagsikil sa pagpapahayag ng damdamin.

Wala ba raw siyang karapatan para makasilay ng ngiti ang kanyang mga labi at mukha? Bakit ba lagi na lang napupuna ang kanyang munting kasiyahan samantalang walang sumasakal sa kalayaan ng anghel sa paglustay ng kung ano ang gusto niyang kamtan?

Blangko. Blangko pa rin ang aking isip. Hindi ko na lubos maisip kung pano ako gagawa ng panibagong pangangatwiran sa aking kabuuan bilang tao na ang ginagawa na aking ina ay kailangan kong palampasin dahil hindi puwede kahit magpahagip man lang na ako ay nasasaktan sa kanyang mga ginagawa. Nauubusan na ako ng pampamanhid ng diwa na mali ang lumaban sa kanya. Mahirap. Nauupos ako sa kanyang ginagawang pangingibabaw sa buhay ko sa maling paraan. Nasasabik akong humalagpos sa gapos ng kanyang hindi makatwirang pamantayan sa pagpapalaki sa amin.

Kailangan na ng pangontra sa sapi. Hindi ko maatim na mawala ang gabutil na kabutihan niya na nakatanim sa aking isipan dahil sa bawat sandali ng kanyang sapi, pinapatay niya ang aking pananampalataya na kalooban ng Diyos na maging nanay ko siya.

No comments: