Tuesday, November 3, 2009

Pagsasadula ng mga Pangarap

malinaw ang gusto ko sa simula pa lang. manirahan sa ibang bansa at maranasan ang mga bagay na napapanood sa tv. magdrive ng sariling sasakyan, magsapatos sa loob ng bahay na naka-carpet na mga kuwarto, kumain sa local pub kasama ang mga barkada, magcivilian clothes sa school na hatid sundo ng school bus at maranasan ang mga buhay ng pinapanood kong bida sa dawson's creek o kaya naman ng young americans.

sabihin mo ng colonial mentality. siguro nga sapagkat pagkabata, naranasan ko kung pano mamuhay nang may konting kasaganaan mula sa pagpapakahirap ng aking ama sa ibang bansa. masarap. komportable. kaya't sa ganitong nabuong diwa ay umusbong ang hangarin kong makapagtrabaho at makapamuhay sa abroad.

simple lang naman un. mamuhay doon at magtrabaho. matamasa ang ilang bagay na pinapangarap pero bakit ganun ang nagiging kapalaran ko? bakit tila may pumipigil? katulad na lamang ng aberya na dulot ng 9/11 attack sa new york na kung saan nilalakad na ang aming mga papeles para makapunta doon. dahil sa nangyaring pag-atake, sumabog na rin na parang bula ang aming tsansa na makapunta sa u.s.

hindi ko rin malilimutan ang pagtanggi ng canada sa kagustuhan naming maging mamamayan niya. naging masakit para sa amin.

at heto, sa pangalawang henerasyon ng aming pamilya, ito na ang aking pagkakataon upang maisakatuparan ang lahat ng aming pangarap. ngunit, bakit ganon? parang nauulit na naman ang mga pangyayari na kung saan sa bandang huli, nanonood na naman ako ng mga palabas na gusto ko. nanonood pa rin at hindi pa rin ako ang bida. hindi pa rin ako ang gumaganap sa buhay na gusto ko...

No comments: