hindi ko na kinailangan pang magpakawala ng sarcasm at paganahin ang mga natutunang skills kay dr. house para umabot sa umaatikabong bangayan ng aking minamahal na kambal na kapatid. face to face ang eksena habang kumakain. may konting suntukan. medyo madaming sigawan. at higit sa lahat, maraming pambubuko at paninira sa isa't isa.
ang issue? kung bakit laging haggard at mainit ang ulo ng aming bunso. ito ang naging tanong ni paulo, ang mas nakakatandang kambal. bakit ba sa tuwing uuwi sa dorm o sa bahay e laging haggard at mainit ang ulo niya. umabot pa raw sa pagdadabog nung nakaraang araw pagka-uwi sa eskuwela ni marco, si bunso.
sumabog sa galit si marco. naasar. napikon na. si paulo naman, pigil sa pagsasabi ng dahilan kung bakit nagdabog si marco nung isang araw hanggang tuluyang nagalit na rin mula sa mga masasakit na salitang tinanggap niya kay marco.
ako at aking magulang ay tahimik na nakikinig sa kanila dahil alam namin, malapit nang maganap ang mga pasabog nila sa isa't isa. inaabangan ko ito dahil nagkakaroon ako ng pagkakataon na masilip ang mga pinaggagawa ng dalawa habang sila ay nandoon sa maynila. magkakaroon pa ako ng pangblackmail sa susunod.
maya-maya, naunang pinasabog ni paulo ang kanyang bomba. si marco ay napagsabihan ng kanyang propesor dahil sa hindi nagustuhang report. at ito, ang naging ugat ng kanyang palagiang pagka-iritado. pero kung tatanungin niyo ako, lagi naman siyang ganun. mainit ang ulo pagkagaling ng maynila o eskuwela. hindi ko alam ang pinagdadaanan niya pero lahat naman kami ay dumaan sa ganong sitwasyon. yung maraming ginagawa sa skul. lagi ko ngang sinasabi sa kaniya na subukan niya ang nursing at lalo siyang mababaliw sa pagiging busy ng mga nursing students. bukod pa yun sa mga dapat aralin.
pansin ko din kasi, mas marami ang panahon na nagugugol sa pagtulog niya. imbes na mag-aral agad, itutulog muna niya ang mga ilang oras.
sa bahay, isang malaking bagyo ang sasalubungin mo kapag mainit ang ulo ni marco. example, ang kanyang naging pasabog laban kay paulo. diumano ay nakikipag-inuman si paulo sa kanyang mga kaklase! at bilang tradisyunal at konserbatibong pamilya, mas nahikayat ang aking magulang na magbigay ng kanilang saloobin tungkol sa pasabog ni marco. sa tingin ko, balanse naman si paulo. ok naman sa pag-aaral kung ikukumpara kay paulo. marunong din naman siyang mag-enjoy kahit papano.
ewan ko pero sa tingin ko, may alam naman ang aking kapatid sa dulot ng alak pero mas alam ko na hindi siya tanga para magpakalasing at magpakabangenge sa daan o kungs saang lugar. heto nga at minsan, sila ay umiiwas sa pag-aya ng kanilang mga kaklase para sa mga gimik. nasasabihan pa nga ng landlady nila na parang mga pari dahil hindi lumalabas ng dorm. takot sila. takot umalis sa comfort zone at takot na mapunta sa mga sitwasyon na bago sa kanila.
nagpatuloy ang mga arguumento. sa tantiya ko, natatalo si paulo dahil ang kanyang "pag-inom" ang mas naging paborito ng aking magulang. sa inis, isang suntok ang dumapo sa binti ni marco. ngumiti ako dahil mahaba pa ang gabi at ang mga eksena ay patuloy na umiinit.
hanggang sa magdrama ang akin ina. nauyam ako sa totoo lang. ewan. para sa akin, hindi na kailangan na idramatize ang mga bagay na nakahapag sa aming harapan. case in point, ang aming unstable na finances. meron pa siyang questioning na nalalaman kung bakit ngayong graduating pa ang kambal. ang aking ama naman ay siyempre, tahimik. ewan ko kung tahimik lang siya o patuloy pa rin niyang ine-examine ang mga punto ng dalawa. pwede rin na hindi niya narinig nang maayos.
tahimik lang ako sa kabuuan ng mga pangyayaring ito. napapangiti habang inuubos ang aking milk tea. gusto kong magsalita at lalong painitin ang mga kaganapan pero, nagpigil ako. napaisip ako at tinanong ang aking sarili.
alin nga ba ang tama o mali? ang makipag-inuman o ang maging pabaya sa pag-aaral?
walang tama o mali. meron lang mas magandang option sa dalawa. isa akong perpektong halimbawa. nung nag-aaral ako, nakipag-inuman ako (dalawang beses nga lang ata). naglakwatsa. nanood ng sine. nakikitulog kung san san. umuuwi ng boarding house ng ala tres ng umaga. pero nagtapos ako ng college nang may munting parangal. walang bagsak at naging maayos ang lahat. walang naging problema. nagawa ko ito dahil kahit papano, natuto akong mag-enjoy (kahit hindi ko nilubos) at mag-aral nang sabay. natuto akong magprioritize at magmanage ng time.
siguro, mas gugustuhin ko nang naglalakwatsa ang aking mga kapatid kesa makulong sila sa dorm at natutulog. sa labas ng kuwarto, marami ang puwedeng matutunan. pakikisama. pakikipagsapalaran. pakikipaglaban. pagsasaya. pamumuhay. madami. hindi ko kayang banggitin lahat pero sana hindi maging huli para sa kanila.
2 comments:
nabitin ako sa bangayan ng kambal..
mukhang mapapatagal ako sa harap ng computer charl! nadagdagan nanaman ang aking pagkakaabalahan.
walang dapat ipagbahala mga magulang mo kay Marco at kay Paulo kasi ibig sabihin mga normal sila, katulad mo diba :)
Post a Comment