Tuesday, May 3, 2011

Jepang

9 years.

ganito na katagal nung huli kong makita si jepang. tama. jepang ang pangalan niya. mula sa kahibangan ng mga kaklase ko sa spelling words nung high school. tuwing lunes, inaabangan namin ang mga spelling words na gaya ng memoir, chauffeur at kung anu ano pa.

hindi rin ako nakaligtas sa mga kakaibang pangalan dahil mula noon, ako na si chatuang. bukod pa yan sa mga ibang pangalan para sa mga lalake. ako nga din pala si dimples romana at karylle.

si jepang ay si assunta de sorri din.

naging kaklase ko siya nung fourth year lang. nung third year siya, nasa pangatlong section siya habang kami ay nasa una. kung papanong lumundag siya mula sa pangatlo papunta sa pilot section, ang kasipagan at katalinuhan lang niya ang makakapagpaliwanag. simple lang siya. hindi flashy. or flamboyant. kasama ng mga ilang lalake sa klase.

ang pagtatagpo namin ay nagsimula sa pagnanais na uminom. tama, sa pagnanais na magpakalasing. at bilang isang trying hard na kumawala sa imaheng napakadalisay, ginapang ko ang pagkakataon. tutal, magkikita kami nina jepang at harold aka judy ann santos matapos ang 9 years na hindi pagkikita mula pagkagraduate sa high school.

naging mahaba ang kuwentuhan. mula sa kabaliwan sa high school. sa mga impresyon sa isa't isa na hanggang ngayon e totoo pa rin mula sa pagkabigla sa aking pagkahilig sa alak. sa mga buhay sa trabaho. sa mga investment. sa pag-ibig.

natutuwa ako para sa kanya. ang lahat ng paghihirap niya ay nagbunga. habang nagkukuwento siya ng kanyang karanasan kung pano napunta sa trabaho niya ngayon, kapalaran ang nasa isip ko.

isang bagay na hindi ko makita sa mga desisyon ko sa buhay. o baka dahil parte ito ng kapalaran ko.

kung anu pa man, ang alak ay labis na nagpadama sa akin ng isang mabuting bagay. lahat ay gaya pa rin ng dati. may dumagdag lamang. mga responsibilidad. mga problema. pero ang pagkakaibigan na hinulma ng panahon, kailanman ay hindi magbabago.

kahit ang pangalan na jepang. o chatuang.

No comments: