Saturday, September 11, 2010

Question and Answer

palaisipan sa amin kung bakit ganito ang naging kinahantungan ng aming karera.

ano nga ba ang kulang? ano ang naging pagkukulang namin sa kanilang pamantayan? sadya ba kaming hindi karapat dapat para hindi bigyan ng pagkakataon? bakit nga ba?

para sa akin at kay weng, nanatili itong isang malaking tanong hanggang ngayon. ngunit para kay sheng, ang lahat ay nasagot sa itinakdang panahon.

kung hindi niyo natatandaan si sheng, siya yung kaibigan ko na naghintay ng mahigit dalawang taon para makapagtrabaho sa new zealand. hanggang sa hindi na natuloy.

taong 2007 nung kami ay gumradweyt. hanggang ngayon, ni minsan ay hindi nakapagtrabaho si sheng sa ospital. nandyan ng isang hakbang nalang at tanggap na siya sa trabaho. ngunit hindi. ipapatawag ang lima pero siya ay nanatiling naghihintay.

cum laude si sheng. above 80% ang board rating. ano pa ba kulang? o higit sa lahat, ano ang dahilan?

sa mga pagkakataon na wala kaming parehong trabaho, madalas kaming magchat. nagbibigay ng encouragement at nagtutulungan na labanan ang depression sa pagiging jobless at frustrated. lalo na pag alam namin na ang mga ilang kabatch o kaklase na bulakbol sa klase ay nagtatrabaho na sa mga ospital. noong nakaraan buwan, habang ako ay busy sa pag-aayos ng requirements sa aking bagong trabaho, labis akong nagulat at nalungkot sa natanggap kong text.

malubha ang sakit ng mga magulang ni sheng. parehong stage 4 na cancer. ang kanyang ama, sa spinal cord na nagdulot ng pagkaparalisa mula nipple line pababa ng kanyang katawan. ang kanyang ina naman, sa breast. nalaman na lamang na maysakit ang ina ng maospital ito dahil may tubig na pala sa baga ang kanyang ina. malala na pareho.

apat na magkakapatid sina sheng. ang kuya niya ng isang guro, siya na nurse at ang dalawang kapatid pa niya na pareho pang nasa kolehiyo. ang isa, kumukuha ng densistry at ang isa ay sa kursong nutrition. mga magsasaka ang kanyang magulang pero lumaki silang marangal at matatalino.

sa isang iglap, ang pagiging magulang ay naatang kay sheng. bilang nurse, naging natural ang pumagitna sa mga desisyong pangkalusugan at sa mga bagay na hindi na kayang desisyunan ng kanyang kuya. sa mga pagkakataong ito, si sheng na ang tumayo bilang ina at ama ng kanyang pamilya.

at nung martes, nakapiling na ng ina ni sheng ang Panginoon. sa isang buwan lamang na abiso ng sakit ng kanyang ina, ang laban ay natapos na habang ang kanyang ama ay patuloy na nakaratay sa banig ng karamdaman.

kanina, nagpunta ako sa burol ng kanyang ina. sa pananahimik namin, pareho naming napagtanto ang dahilan ng kanyang pagiging tambay. ang kawalan ng pagkakataon na maipamalas ang kanyang galing sa aming propesyon. iyon pala ay magsilbi sa pinakamahalagang pasyente ng kanyang buhay: ang kanyang mga magulang.

walang pagsisi. handa siya sa pagkawala ng kanyang ina. sa mga panahon na wala siyang trabaho, nilubos niya ang mga oras na makapiling at makasama ang kanyang pamilya. naging masaya sila sa kanilang mga camping at mga paglalakbay pati na rin sa mga kuwentuhan nila.

"kung nagkatrabaho ako, magiging isang malaking pagsisi ang aking pagtanggap sa pagkakataon na 'yon," sambit ni sheng. totoo nga naman. ang mga oras na nailaan dapat sa trabaho ay kanyang nagugol sa paglikha ng mga alaala na mananatili sa kanya habang buhay.

sa paghahanap ng mga sagot, ninais ko munang magpahinga. tanggapin ang mga bagay bagay at ibubulong sa aking isip na ang lahat ng ito ay may dahilan. hindi man ako natuloy sa u.k. at ngayon ay nagtatatrabaho ako hindi bilang isang nurse. ang aming pinansyal na kalagayan ay naghihingalo na at maraming alingasngas ang bumabagabag sa aming pamilya.

subalit, hahayaan ko na lamang ito. darating din ang panahon na ang lahat ay matutuldukan ng isang sagot sa tanong na bakit.

No comments: