Thursday, April 29, 2010

Spoiled

naalala ko yung sinabi ni benj, "masama naman ang magtanim ng galit. baka mangyari din saken yan." natakot din naman ako. siguro dahil sa mapait na katotohanan na dulot ng karma o kaya dahil din sa sitwasyon na ang isang bagay na nakalipas ay hindi pa rin nababaon sa baul ng panahon.

sariwa pa rin sakin ang bawat eksena sa pangyayaring iyon. linggo at katatapos lang ng misa. naisip ko, napaka-ironic ng pangyayaring ito. sa aming walong magpipinsan, ako lang ang matanda ang nandun. ang iba ay nasa murang edad pa at wala pang maiintidihan sa mga nangyayari. may sigawan. may iyakan din. ang lahat ay nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan ng aking mga tiya at tiyo. ang tiyo, na nagpakasal at nakatira sa bahay ni lola. si tiyo, na walang trabaho, hindi tumutulong sa gawaing-bahay at lahat ay umaasa kay lola na kung saan, si lola ay nakadepende naman sa isang tiya na nasa abroad.

simple lang naman ang gusto ng isang tiyahin ko. ang tumulong siya sa mga gastusin at gawaing bahay na walang halong pag-asta bilang senyorito. marami akong narinig noon na sana, ay hindi ko na lamang narinig. na si tito ay tamad habang ang isang tita ay nasa ibang bansa at nagpapaka-alila. si tito na minsan ay nagsusugal pa at hindi kinakitaan ngpagpupursige na maghanap buhay. bilang panganay, ninais ng aking ina na pumagitna at kung maari ay maayos ang lahat. subalit, hindi ganoon ang nangyari.

habang tinitignan ang ibang mga pinsan, patuloy ang pagtangis ng isang tiya at ang mga pigil na sigaw nila. kasama si lola. nagulat nalang ako at ako ay tinatawag ng aking ama upang awatin si lola. awatin at pigilan si lola sa pagnanais na wakasan na ang buhay sa pamamagitan ng paglaslas ng pulso gamit ang kutsilyo. makalipas ang ilang minuto, nanahimik ang lahat sa tulong na rin ng kapatid ni lola ngunit sa akin, hindi na kailanman matatahimik ang aking alaala at kalooban.

sa karamihan sa kanila, mukhan limot na ito. lalu na at tumira na sila sa bukidnon, ang mag-anak ng aking tito. ngunit paminsan-minsan ay bumibisita sila dito. mahirap intindihin para sa akin kung bakit nagagawang gastusan ni mama si tito at ang kanyang pamilya. sobra kung mag-alala. kung anu-anong mga pagkain at damit ang ipinapadala kung nasa bukidnon ang mag-anak. kapag nandito naman sa pampanga, daig pa ang royal family ng inglatera ang pagturing sa kanila. siguro o.a. ako pero ganito talaga ang tingin ko. hindi naman sa nagdadamot ako pero hindi ba at may sinabi din siyang masasakit na salita kay mama? inis ako. inis ako dahil para sa akin, kinukinsinti rin niya ang pagiging tamad ng tito ko. inis ako dahil hindi nila alam ang aking nararamdaman. inis ako kung bakit "spoiled" ang isang may-edad ng tao.

noong mga nakaraang buwan, umuwi ang aking tito dito sa pampanga para tumulong sa pagpapagawa ng bahay nina lola at nasabi noon na pagsapit ng abril, susunod ang kanyang mag-anak. ikaw, kung responsable ka, maghahanap ka ng matutuluyan ng iyong mag-anak bago sila dumating. ito ngayon ang aking ikinabuburyong. dumating sila ngayon na ang lahat ay walang naihanda. bukod dito, parang ang aking magulang lang ang nag-abala sa kanilang pagdating. ang akala kong pagtuloy nila sa isang kuwarto ng kapatid ni lola ay nauwi sa pagtuloy sa kuwarto ni ate. ngayon, ayaw ko ng magulo at maingay pero hindi specific na ayaw ko rin sa bata. subalit, labis lang na makukulit at malilikot ang aking mga pinsan. sabihin mo na parang hindi ako naging bata pero sa aking alaala, puro pagpigil at pagsaway ni mama ang aking natatandaan.

gusto ko rin naman ang magkaanak pero sa tingin ko hindi pa ako handa. sa trabaho naman, ayaw ko ding magkaroon ng batang pasyente. bukod sa hindi sila mapakiusapan, ayaw ko ng nanghuhula sa kung ano ang gusto nila. alam kong pangit tignan at tawagin mo na akong masungit. pero hindi talaga ako lumabas ng aking kuwarto para sila ay kamustahin sa kanilang biyahe. ilang beses ko ng ninais na huwag maging ganito sa kanila pero nahihirapan pa rin ako. tingin ko kasi, parang pinagtataksilan ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pakikipagplastikan sa kanila. partikular na sa aking tiyahin at mga pinsan.

si mama kapag nagpadala sa kanila, mariringgan mo siya ng, "naku tignan mo itong tito niyo, kung hindi mo pa tatanungin kung natanggap na ang padala hindi pa magsasabi. ni hindi man marunong magpasalamat." exactly my point mother! bakit ba parang nagiging bulag kayo? bakit ba tinotolerate niyo ang ganitong ugali? ni ang mga utang niya hindi mo magawang singilin pero pag kami, partikular na si ate, kung makasingil ka, daig mo pa ang nagkautang sayo ng milyon. kung sa tutuusin, tungkulin niyo iyon bilang magulang na protektahan ang kalusugan ni ate sa pamamagitan ng pagbili ng bakuna laban sa cervical cancer.

kainis! inakala ko kasi na makakaalis na ako bago sila dumating dito pero sa tingin ko, may dahilan ang lahat. sa ngayon, ayaw ko munang alamin ang dahilan na ito. sa makahulugang tingin ng aking "mahal" na ina, alam ko na ang gusto niyang sabihin. buti na lang at dinirecho ko ang aking kapatid kung may sinabi nga siya. true enough, sinabihan niya ako na kahit nagmano man lang daw ako. bakit nga ba hindi ako lumabas sa aking kuwarto?

ewan. naiinis na rin kasi ako. sa totoo lang, mahirap magpakaplastic na wala akong resentment sa aking mga magulang. na wala akong tampo. na wala akong mga hinaing sa kanilang ginawang desison sa buhay nila at buhay namin. siguro kung sa pangkalahatan, masasabi mong maayos dahil may magandang tirahan kami, magandang edukasyon at pagkain. pero, may mga bagay lang na sadyang hindi kumpleto sa isang tao.

kung bakit hindi naisipan ni dad na magmigrate agad noon pa, kung bakit ang daming restrictions sa aking paglaki na gawa lahat ng mom ko. madami. isa na rin ang pang-iispoil sa mga kambal. napansin ko, uso pala talaga ito. mula sa tito ko hanggang sa kambal.

pigilan ko mang lumabas ang mga ito, mukhang paplastikin ko lang ang sarili ko. sa ngayon, iisipin ko muna ang mga sasabihin ko bukas ng umaga kapag lumabas na ako ng aking kuwarto.

No comments: