Saturday, February 6, 2010

Usaping Bulok

galit na talaga ako. matagal ko ng pinipigilan ang sarili ko upang itago sa aking sarili kung sino ang sinusuportahan ko sa darating na halalan.

ang nasa isip ko kasi, kailangan ay nakaalis na ako sa bansa bago maghalalan. pero, hindi ko kayang pigilan ang kamangmangan ng isang kumakandidato sa pagkapangulo ukol sa mga usaping pangkalusugan.

bugbog na nga ang karamihan sa mga manggagawang pangkalusugan ng ating bansa ngunit sa ginawa mong ito, lalo mo pang inilugmok sa hindi matatawarang pagyurak sa dignidad ng mga bayaning kadalasan ay kinakalimutan at pinapabayaan.

ang cheap mo. gumagamit ka ng mga patalastas na nagapakita ng iyong kababawan. yan lang ba ang magagawa mo? ang manglait ng mga health centers ng bansa? tanong ko lang senator, nakapunta ka na ba sa isang health center sa isang barangay?

ano nga ba ang alam mo? at puwede ba, hindi ang iyong mga magulang ang magpapatakbo ng ating bansa kung ikaw man ay manalo. ikaw, na siyang nakakulong sa isang marangal na pangalan, ang magmamando ng bansang laging nahaharap sa mga mahihirap na sitwasyon.

alam mo ba kung anong mga serbisyo ang naibibigay ng ating mga health center sa harap ng napakaliit na budget at napakahirap na working conditions?

alam mo ba na sa pamamagitan ng mga bulok na health centers ay nakakapagpabakuna ang mga sanggol at mga bata na siyang nagbibigay ng proteksyon laban sa mga nakakahawa at nakakamatay na sakit? libre iyon senador, para lahat ng tao, lalo na ang mga mahihirap ay makatanggap ng serbisyong ito.

alam mo ba na sa pamamagitan ng mga bulok na health centers ay nakakapagpacheck up ang mga kababayan nating mahihirap na hindi biniyayaan ng mga hacienda para malaman ang kanilang kondisyong pangkalusugan? may mga doktor diyan na nagtitiyaga kahit mababa ang sahod at napakarami ang kanilang dapat paglingkuran.

alam mo ba na sa pamamagitan ng mga bulok na health centers ay nagkakaroon ng iba't ibang serbisyong pangkalusugan tulad ng dental at pangnutrisyon? lumabas ka sa mga bulok na health centers na ito at ang mga mahihirap na mamamayan ng ating bansa ay hindi na kayang kumuha ng mga serbisyong ito sa mga ospital.

alam mo ba na bilang senador, may kapangyarihan ka para mabago ang sistema ng ating pambansang pangkalusugan? kung ang iyong oras, pera at panahon ay ibinuhos mo sa pagsusuri at paggawa ng mga solusyon para sa problemang pangkalusugan ng ating bansa, malaki ang mababago nito imbes na sa mga napakacheap at classless na rap songs sa iyong patalastas.

puweda ba, tigilan na ang pamumuna sa mga problema ng bayan. hindi namin kailangan ng mga pagpapaalala ng mga araw araw naming hinaharap. kung meron mang nangangailangan nito, ikaw yon senador.

hindi namin kailangan ang paggamit ng mga artista at ng kung sinu sinong mga personalidad para makumbinse mo kami na iboto ka. ang kailangan namin ay isang tao na maninindigan at magsasakatuparan ng kung ano ang dapat na isinakatuparan noon pa.

iyan lang ba ang kaya mo? linisin mo muna ang iyong bakuran. masyado kang nagmamalinis. dahil ba sa iyong mga magulang? magtigil ka. hindi ang mga namayapa mong magulang ang magtatanggol samin.

nangunguna ka man sa mga survey, hindi ito ang dapat maging panukat ng ating mga kababayan. huwag tayong magpadala sa popularidad. huwag ding magpadala sa mga emosyon o awa na nararamdaman sa isang kumakandidato.

kailangan suriin ang bawat salitang namumutawi. mahirap na baka mabulok pa tayo lalo at mangailangan ng bulok na serbisyo mula sa bulok na health centers.

nakakahiya naman sa bulok na senador.

No comments: